Isang mainit at mapitagang pagbati ng ika-340 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Bayan ng Angat at ikalawang taong paglulunsad ng GulayAngat Festival!
Lubos pong nagagalak ang inyong lingkod na umabot na tayo sa punto ng pagsasara ng pagdiriwang at masasabing naging matagumpay ang mahigit isang linggong pagsisikhay ng mga bumubuo ng Festival Organizing Committee upang maayos, mapayapa at mahusay na maisagawa ang iba’t ibang aktibidad na nakapaloob sa walong araw na pagdiriwang ng ating festival.
Sa pagbubukas pa lamang noong Oktubre 16 ay umaapaw na ang ating kasiyahan sa kauna-unahang pagsasagawa ng Parada ng mga Karosa na pinagsikapang gawin ng mga kalahok na barangay. Tunay ngang nakakamangha ang ipinamalas nilang husay at pagka-malikhain sa paggawa ng mga karosang nagpapakilala sa katangian ng kanilang bayan. Bagamat ito ay unang pagtatangka na maisagawa sa ating bayan, masasabi talagang hindi pahuhuli ang angking talento ng mga Angatenyo! Kaya naman ngayon pa lamang po ay paghandaan na natin ang muling pagparada ng mga Karosa sa susunod na taon! At inaasahan ko na lahat ng 16 na barangay sa Angat ay lalahok na sa patimpalak na ito!
Matapos ang matagumpay na Parada ng Karosa ay ipinagpatuloy po natin ang kasiyahan sa pagsasagawa ng LARO NG LAKING GULAYANGAT. Punong puno ng saya ang tagisang pampalakasan sa Agawang Buko, Palo Sebo, Hilahang Lubid, Sepak Takraw at Karera ng Sako. Sa pagkakataong ito ay hindi lamang pisikal na lakas ng mga kabataan ang ating sinukat kundi maging ang kanilang mental na kakayahan sa paglalaro ng DAMA at SUNGKA. May mga hindi pinalad subalit nakita ko ang pangingibabaw ng pagiging patas, mapagpakumbaba at pagiging isport ng mga Kabataang Angatenyo.
Sa kauna-unahan ding pagkakataon ay inilunsad natin ang GulayAngat Food Park sa Tugatog, Marungko kung saan hinikayat natin ang ilan sa mga lokal na negosyanteng Angatenyo na maglagay ng kanilang pwesto sa bagong atraksyon. Nakakamangha ang init ng suporta ng taumbayan sa naturang food park. Walang gabi na hindi napuno ng mga tumatangkilik ang naturang park na sinikap nating pagandahin at pasayahin sa pamamagitan ng gabi gabing pagkakaroon ng iba’t ibang pagtatanghal na nagpapamalas ng ibat ibang lokal na talento ng lahing Angatenyo.
Hindi rin matatawaran ang husay ng mga taga-Angat sa pagluluto kaya naman muli tayong nakatuklas ng mga bago at masasarap na resipe sa Hapag ng Pamana (GulayAngat Cooking Contest) kung saan ang mga tanim na gulay ng Angatenyo ang pangunahing sangkap.
Sa ikatlong araw naman ay itinampok ang pagsasalin ng kauna- unahang Lakan at Lakambini ng GulayAngat ng korona sa mga itinanghal na bagong Hari at Reyna ng GulayAngat na siyang magiging kinatawan ng ating bayan sa susunod na Singkaban Festival.
Binigyang bahagi na rin natin ang academic sector sa pagdiriwang ng festival sa pamamagitan ng paglulunsad ng kauna-unahang DepEd Day! Itinampok ng programa ang pagsasagawa ng iba’t ibang paligsahan ng mga estudyante at guro mula elementarya at high school at sa pagkakataong ito ay kapiling din natin sila upang maigawad ang mga karangalang kanilang natamo.
Wala ring makakalimot sa isang Sabadong nagsimula sa kaba, binalot ng pananabik at nagwakas sa umaapaw na kasiyahan! Hindi nagging hadlang ang masungit na panahon upang ipagpatuloy natin ang kinasasabikang INDAKAN SA GULAYANGAT. Nagkaroon man ng ilang pagbabago sa kondukta ng programa ay matagumpay itong nairaos at muling naipamalas ng mga Angatenyong kalahok ang kanilang angking husay sa pagsayaw sa kalye sa saliw ng ating opisyal na Festival Music.
Kinagabihan naman ng araw din ng Sabado ay nailunsad ang Tugtugan sa GulayAngat na kinatampukan ng pamosong banda na Silent Sanctuary. Tinatayang umabot sa walong libong manonood ang nakisaya sa tugtugan na sa pangkalahatan ay naging maayos at mapayapa. Bunga ito ng mahigpit na pagkakaisa ng mga mamamayan at organisador sa pagpapatupad ng mga security measures para tiyaking masaya at maluwalhating mairaraaos ang tugtugan.
Ginanap din sa kauna-unahang pagkakataon ang Job Fair sa ating bayan kung saan nagbigay tayo ng pagkakataon sa mga naghahanap ng pagkakakitaan na mailapit ang mga potensyal na employers at makapag-apply sila ng trabaho. Maraming salamat po sa mga kumpanyang nakiisa sa Job Fair at hangad ko na maging simula ito ng pangmatagalang partnership naming sa inyo.
At syempre, hindi natin makakalimutan ang sektor na siyang susi upang makilala ang ating bayan sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng gulay. Anga sektor na siyang maituturing na tunay na bayani dahil sa kanilang pangmatagalang pagganap sa papel bilang tagapagtiyak ng seguridad sa pagkain sa ating daigidig—ang sektor ng mga magsasaka. Sa pangalawang pagkakataon ay muli tayong nagbigay ng karangalan sa pinakamahusay na magsasaka ng taon at karapat dapat na bigyan ng GAWAD LINANG. Bilang pagpupugay, naghandog tayo ng eksklusibong salu salong hapunan para sa ating mga magsasaka na ang nagsilbing rurok ay ang pagbibigay sa kanila ng karangalan.
Ngayon nga po ay dumako na tayo sa Kulminasyon ng ating pagdiriwang. Punong puno po ng kagalakan ang aking puso dahil sa ikalawang pagkakataon, masasabing matagumpay nating naidaos ang Ikalawang Taong Paglulunsad ng GulayAngat Festival! Marami po tayong mga bagong aktibidad na inilunsad at kahit ito ay masasabing eksperimental, napagsumikapan po nating mapagtagumpayan ang lahat dahil na rin sa ipinamalas na pakikiisa, sakripisyo, tiyaga, husay at dedikasyon sa tungkulin ng bawat isa!
Gunita ng Lahi at Yamang Angat. Binigyang buhay natin ang titulong ito ng GulayAngat at para sa akin, sa mahigit isang linggong puno ng mga sakripisyo at pagsubok sa likod ng pagdiriwang ay nabigyang katarungan natin ang pagdiriwang na ito sa ilalim ng temang “PAYABUNGIN ANG SUMIBOL NA BAGONG PAG-ASA… SULONG PA, ANGAT!”
Napagtanto ko na tunay ngang NAPAKATAMIS ng tagumpay kapag pinaghihirapan! Sa bumubuo ng Festival Organizing Committee, sa lahat ng nakibahagi sa matagumpay na pagdiriwang, ISANG MATAAS AT TAIMTIM NA PAGSALUDO po ang aking ipinaaabot sa inyong lahat. Masasabing nakamit natin ang layuning higitan ang kauna-unahang paglulunsad ng festival noong 2022 at ipinapangako ko na mas pagbubutihin pa natin ang susunod na taong pagdiriwang ng ating Festival.
Sa likod po ng tagumpay na ito, ibayong pasasalamat din ang nais kong ipaabot sa mga mamamayang Angatenyo na nakiisa sa pagdiriwang. Muli po tayong nakapag-ukit ng bakas sa ating kasaysayan at patuloy na pinatutunayang MAY IBUBUGA ANG LAHING ANGATENYO! At naniniwala po ako na KAHIT ANG ATING MGA NINUNO AY IKINAGAGALAK ITO!
Sa panghuli, iiwan ko po sa inyo ang hamon na ipagpatuloy po natin ang mga pagsisikap na mapagtulung tulungan ang ganap na pag-aangat sa minamahal nating bayan ng Angat na ngayon ay nakikilala na hindi lamang sa ating lalawigan kundi sa buong bansa.
Maraming maraming salamat po at muli, maligayang pagdiriwang ng ika-340 taong kaarawan ng Angat! SULONG PA, ANGAT!
Comments