'Buntis Party,' Matagumpay na Isinagawa ng RHU Angat sa Marungko
- Angat, Bulacan

- May 13
- 1 min read

Sa ilalim ng temang "Isang kaligayahan at kahandaan, ating pagplanuhan," matagumpay na idinaos ng Rural Health Unit (RHU) Angat ang isang makabuluhan at masayang "Buntis Party" nitong ika-12 ng Mayo, 2026.
Ang aktibidad na naglalayong pangalagaan ang kalusugan ng mga nagdadalantao at ng kanilang mga dinadalang sanggol ay pormal na ginanap sa SK Office ng Barangay Marungko.
Pangunahing layunin ng RHU Angat sa pagtitipong ito na ihanda ang mga magiging ina sa kanilang paglalakbay patungo sa ligtas na pagsilang. Sa pamamagitan ng mga nakalaang lektyur mula sa mga dalubhasang doktor, komadrona, at nurse, binigyan ang mga kalahok ng sapat na kaalaman ukol sa tamang nutrisyon at pangangalaga sa katawan habang buntis.
Kahalagahan ng regular na prenatal check-up, paghahanda para sa panganganak, pangangalaga sa bagong silang na sanggol (newborn care) at kahalagahan ng pagpapasuso o exclusive breastfeeding.
Bukod sa mga mahahalagang kaalaman, binalot din ng saya ang programa kung saan ang mga buntis ay nakilahok sa mga inihandang palaro at aktibidad na nagbigay sa kanila ng pagkakataong magkapiling at magbahagi ng karanasan sa isa't isa. May mga pamamahagi rin ng mga maternity packs at mahahalagang bitamina na magagamit ng mga ina sa kanilang nalalapit na panganganak.
Ayon sa pamunuan ng RHU Angat, ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na adbokasya ng Lokal na Pamahalaan ng Angat na mapababa ang kaso ng maternal and infant mortality sa pamamagitan ng paglalapit ng mga serbisyong medikal at edukasyon sa bawat barangay.
Muling nagpasalamat ang RHU Angat sa suporta ng SK Officials ng Marungko at sa lahat ng mga dumalong ina na naging katuwang sa pagtiyak ng isang malusog na susunod na henerasyon ng mga Angatenyo.









Comments