Bayan ng Angat, Matagumpay na Ipinagdiwang ang Ika-47 National Disability Rights Week
- Angat, Bulacan

- Aug 1
- 2 min read

Sa temang “Innovation for Inclusion: Building Inclusive Communities Together,” matagumpay na ipinagdiwang sa Bayan ng Angat ang ika-47 National Disability Rights Week. Ang selebrasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng dalawang bahagi ng programa na pinangunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) katuwang ang iba’t ibang tangapan ng lokal na pamahalaan.
Sa unang bahagi ng programa, nagsagawa ang MSWDO ng serye ng talakayan upang higit na palawakin ang kamalayan ng publiko hinggil sa mga uri ng kapansanan at ang tamang pagtrato at suporta sa mga Persons with Disability (PWD). Pinangunahan ang aktibidad ni Gng. Menchie Bollas, at tinutok sa pagbibigay-kaalaman at gabay sa mga PWD at kanilang pamilya sa pang-araw-araw na pamumuhay. Kasunod nito, isinagawa rin ang talakayan hinggil sa kahalagahan ng disaster preparedness na pinangunahan ni LDRRMO III Ma. Lourdes Alborida. Layunin ng mga aktibidad na ito na ihanda ang mga PWD at kanilang pamilya sa epektibong paghahanda at pagharap sa iba’t ibang sitwasyong pangkalikasan at pangkalusugan.
Bukod dito, walong PWD ang binigyan ng Livelihood Assistance mula sa MSWDO. Ang mga benepisyaryong ito ay abala sa paggawa ng mga produktong tulad ng doormat, bag na yari sa beads, dishwashing liquid, detergent, keychain, at pot holder. Layunin ng programa na higit pang palakasin ang kakayahan ng mga PWD na magkaroon ng sariling kabuhayan at maging produktibong miyembro ng komunidad.
Sa ikalawang bahagi ng programa, isinagawa ang payout ng LGU-MSWD Educational Assistance para sa kabuuang 176 na benepisyaryo. Ang mga nakatanggap ng ayuda ay binubuo ng mga magulang na PWD na may anak na nag-aaral, gayundin ng mga magulang ng mga batang may kapansanan. Ang tulong na ito ay naglalayong masiguro na ang bawat bata, anuman ang kanilang kalagayan, ay may pagkakataon na makapag-aral at maabot ang kanilang buong potensyal.
Sa kabuuan, ang selebrasyon ng National Disability Rights Week sa bayan ng Angat ay isang makabuluhang hakbang tungo sa mas inklusibong pamayanan, kung saan ang bawat PWD ay may pantay na pagkakataon sa edukasyon, kabuhayan, at proteksyon sa oras ng pangangailangan. Higit sa lahat, ipinapakita nito ang matibay na suporta ng lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng dignidad, kakayahan, at karapatan ng bawat miyembro ng komunidad.









Comments