Pormal na pong ipinagkaloob sa Sangguniang Barangay ng Niugan ang bagong gawang Multi-Purpose Building na siyang magsisilbing bagong Pamahalaang Barangay ng Niugan. Ginanap ang naturang pagkakaloob sa bisperas ng kapistahan ng barangay at pinangunahan ng ating Punong Bayan Reynante S. Bautista at isinalin ang pagmamay-ari sa pamamagitan ni Punong Barangay Vien M. Del Mundo. Bago isagawa ang pagsasalin ay nagkaroon muna ng Pagbabasbas ng gusali na pinangunahan ni Kura Paroko Rev. Fr. Ramil Juat.
Ang proyektong ito na nagkakahalagang P9 milyong piso ay binubuo ng dalawang palapag na gusali kung saan ililipat ang sentro ng lokal na pamahalaang barangay, pansamantalang tanggapan ng Sangguniang Kabataan at dalawang silid para sa Day Care Center.
Sinaksihan ng mga kinatawan ng Department of Interior and Local Government sa katauhan nina Engr. Mark Kennedy Tungol (kinatawang ni DILG Region 3), Provincial Director Myrvi-Apostol Fabia (DILG-Bulacan), Angat MLGOO Carla Marie Alipio at dating OIC-MLGOO Mary Joy Nabor ang makasaysayang okasyong ito.
Madamdamin ang mga ibinahaging kwento at pananalita nina Municipal Engr. Jerome Del Rosario, PB Vien Del Mundo at maging ng ating Punong Bayan tungkol sa likod ng matagumpay na konstruksyon ng nasabing gusali. Sa buod ng kanilang mga kwento, hindi dapat na maging mapagpasya ang pampulitikang paninindigan at pansariling interes sa pagsasakatuparan ng tunay na paglilingkod sa nasasakupan. Anuman ang iyong pampulitikang kulay, posible pa ring magkaroon ng pagkakabuklod, pagkakaisa at pagtutulungan alang alang sa interes ng mamamayan.
Comments