Anti-Theft Prevention Tips, Inilabas ng Angat Police Station upang Labanan ang Pagnanakaw
- Angat, Bulacan

- Jul 14
- 2 min read

Upang maprotektahan ang ari-arian at panatilihing ligtas ang mga mamamayan sa bayan ng Angat, naglabas ng mahahalagang Anti-Theft Prevention Tips ang Angat Municipal Police Station (MPS).
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng kepulisan upang paigtingin ang kamalayan ng publiko at maiwasan ang mga insidente ng pagnanakaw sa mga tahanan, pampublikong lugar, at mga establisimyento.
Ipinapaalala ng Angat MPS sa publiko ang mga sumusunod na simpleng hakbang upang hindi mabiktima ng mga magnanakaw:
Isecure ang Tahanan at Establisimyento: Tiyaking nakalock nang maayos ang lahat ng pinto, bintana, at gate bago umalis ng bahay o bago matulog. Mainam din ang maglagay ng mga CCTV kung may kakayahan.
Maging Alerto sa mga Pampublikong Lugar: Huwag mag-iwan ng mga mahahalagang gamit tulad ng bag, wallet, o cellphone na walang nagbabantay, lalo na sa mga pamilihan at sakayan ng sasakyan.
Iwasan ang Pagpapakita ng Malaking Halaga ng Pera: Huwag magbilang ng pera o maglabas ng mga mamahaling alahas sa mga pampublikong lugar upang hindi makatawag ng pansin sa mga masasamang-loob.
Mag-ingat sa mga Sasakyan: Bago iwanan ang motorsiklo o kotse, siguraduhing nakalock ito nang maayos, nakapark sa maliwanag na lugar, at walang naiwang mahahalagang gamit sa loob na nakikita mula sa labas.
Makipag-ugnayan sa mga Kapitbahay: Bumuo ng magandang ugnayan sa kapitbahayan upang magkaroon ng tulungan sa pagbabantay ng mga tahanan at agad na makapag-ulat ng mga kaduda-dudang tao sa paligid.
Binigyang-diin ng Angat MPS na ang maagap na pag-iingat at pakikipagtulungan ng komunidad ang pinakamabisang paraan upang mapigilan ang kriminalidad sa bayan.
Hinihimok ang lahat na agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may napapansing kaduda-dudang kilos o insidente sa kanilang lugar.
"In case of emergency, Dial 911 — the Unified Emergency Hotline available 24/7 for immediate response!"









Comments