Angat MDRRMO at PDRRMO Bulacan, Nagkaisa para sa Climate and Disaster Risk Assessment (CDRA)
- Angat, Bulacan

- May 7
- 2 min read

Upang mas mapalakas ang kahandaan ng lokalidad laban sa mga banta ng kalikasan, maayos na nagkaroon ng koordinasyon ang Angat Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ang Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa pagbabalangkas ng Climate and Disaster Risk Assessment (CDRA) ng buong lalawigan.
Mainit na tinanggap ni G. Carlo R. Rivera Jr., MGDH I (MDRRMO), ang mga kinatawan ng probinsya na pinangunahan ni Ma’am Claire Libiran, kasama ang mga kinatawan mula sa pribadong sektor, upang magsagawa ng isang konsultatibong panayam ukol sa mga totoong nararanasan at hinaharap na hamon ng Bayan ng Angat tuwing may tumatama na kalamidad.

Bilang bahagi ng malalimang pag-aaral, nakapanayam din ng grupo si Engr. Arnel Trinidad, Municipal Planning and Development Officer III (MPDO). Ang pagpupulong na ito ay naglayong magkaroon ng konsultasyon sa Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng bayan upang matiyak na ang mga plano sa imprastraktura at paggamit ng lupa ay angkop at ligtas sa mga sakuna.
Hindi lamang sa loob ng opisina nagtapos ang pagtatasa. Nagtungo rin ang mga kinatawan sa iba't ibang komunidad upang direktang makapanayam ang mga residenteng Angatenyo. Kanila ring personal na sinuri ang Kailugan ng Angat at ang mga mabababang lugar na madalas tinatamaan ng flash floods o biglaang pagbaha upang makita ang aktwal na sitwasyon sa tuwing tumataas ang antas ng tubig.
Ang CDRA ay isang kritikal na elemento sa pagpaplano ng pamahalaan. Sa pamamagitan nito, masusing masusuri ang mga panganib na dulot ng pabago-bagong klima upang malaman ang mga tamang hakbang na dapat gawin ng lokalidad.
Ang lahat ng mahahalagang datos na nakalap mula sa Angat MDRRMO ay isasama sa pangkalahatang CDRA ng Bulacan, kasama ang iba pang mga bayan at lungsod. Layon nitong makabuo ng isang mas komprehensibo, siyentipiko, at mabilis na sistema ng pagtugon sa lumalalang krisis sa klima, tungo sa pagbuo ng isang komunidad na Handa, Ligtas, at Panatag para sa bawat mamamayan.








Comments