Nutrition Month Celebration Kick-Off Ceremony / National Disaster Resilience Month 2025
- Angat, Bulacan

- Jul 2
- 2 min read

(July 02, 2025) — Sa buwan ng Hulyo ngayong taon, ang bayan ng Angat ay buong puso na nakikiisa sa dalawang mahalagang pambansang pagdiriwang: ang Buwan ng Nutrisyon at ang Buwan ng Pambansang Katatagan sa Sakuna. Ang dalawang kaganapang ito ay higit pa sa pormal na selebrasyon; ito ay panawagan para sa mas malalim na kamalayan, pagkakaisa, at pagtutulungan ng buong komunidad upang makamit ang isang mas ligtas, mas malusog, at matatag na bayan.
Ang Kick-Off Ceremony ay hudyat ng pagsisimula ng mga makabuluhang programa at aktibidad na inihanda ng lokal na pamahalaan ng Angat, katuwang ang Barangay Mother Leaders, Lupon Lingap sa Nayon (LLN), Barangay Health Workers (BHW), mga kapitan at konsehal ng barangay, at National Child Development Center. Kasama rin sa mga katuwang na tagapagtaguyod ang Municipal Nutrition Council, na kinabibilangan nina Gng. Leni Enriquez (Municipal Budget Officer), Gng. Menchie Bollas (MSWDO), Gng. Eveliza De Guzman (MENRO), BFP Angat, Pulisya ng Angat, Bb. Judy Ann Odato ng Rotaract Club of Angat, at mga Punong Barangay tulad nina Kapitan Doris Ramos ng Barangay Marungko at Kapitan Eric Cruz ng Barangay Sulucan, pati na rin ang mga kawani ng barangay sa kalusugan.
Ang temang inilunsad para sa Nutrition Month ngayong taon ay:"Food at Nutrition Security, Maging Priority! Sapat na Pagkain, Karapatan Natin!"Ang temang ito ay nagsusulong ng agarang pagkilos para matiyak ang sapat, ligtas, at masustansyang pagkain para sa bawat Pilipino. Pinapaalalahanan tayo nito na ang pagkain ay hindi dapat ituring na pribilehiyo kundi isang karapatan na dapat kilalanin, igalang, at pagtibayin ng buong lipunan.
Kasabay ng pagpapahalaga sa kalusugan ay ang ating kolektibong pagkilos para sa kaligtasan. Ang Buwan ng Pambansang Katatagan sa Sakuna ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng kahandaan sa panahon ng mga sakuna — isang realidad na patuloy na kinahaharap ng ating bansa dahil sa madalas na pagdaan ng bagyo, lindol, pagbaha, at iba pang panganib.
Sa temang:"KUMIKILOS: Kayang Umaksyon ng Mamamayan na Isabuhay ang Kahandaan ng bawat Isa para maging Ligtas sa Oras ng Sakuna!"Ipinapakita natin ang kritikal na papel ng bawat miyembro ng komunidad sa pagbubuo ng isang bayan na may matibay na sistema ng kaligtasan, sapat na kaalaman sa paghahanda sa sakuna, at kakayahang makabangon mula sa anumang krisis.
Ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at ang buong lokal na pamahalaan ng Angat ay taos-pusong nagpapasalamat sa lahat ng nagtaguyod at lumahok upang maisakatuparan ang mga programang ito para sa kapakanan ng bawat Angateño.
Para sa anumang emergency, maari kayong tumawag sa Angat Rescue Hotline: 0923-926-3393 / 0917-710-5087









Comments