Libreng TESDA Training sa Events Management Services NC III, Binuksan sa Bayan ng Angat

Bukas na ang aplikasyon para sa libreng Events Management Services NC III Training Program sa Angat, Bulacan, sa inisyatibo ni Cong. Salvador "Ador" A. Pleyto ng Ika-anim na Distrito ng Bulacan, sa pakikipagtulungan ni Punong Bayan Igg. Reynante "Jowar" S. Bautista.
Ang naturang programa ng TESDA ay naglalayong magkaloob ng propesyonal na kasanayan para sa mga nais matuto sa pagpaplano at pamamahala ng mga okasyon, kumperensya, kasalan, at iba pang malalaking kaganapan.
Limitado lamang sa 25 slots ang nakalaan para sa nasabing pagsasanay kung saan bibigyang-prayoridad ang mga residenteng Angatenyo. Isasara ang aplikasyon kapag napunan na ang mga bakanteng slot, at mga aplikanteng may kumpletong kinakailangang dokumento lamang ang tatanggapin at itatala.
Kabilang sa mga benepisyo ng iskolarship ang 100% Free Tuition, libreng Competency Assessment (exam), at Daily Training Allowance. Upang matanggap ang allowance, kinakailangang magbukas ang bawat napiling aplikante ng Landbank PISO Account (maaaring mag-apply sa pinakamalapit na sangay ng Landbank o online sa pamamagitan ng Landbank Mobile Banking App) at isumite ang patunay ng account details.
Para sa mga nagnanais mag-apply, ibabaon at isusumite ang mga kinakailangang dokumento sa tanggapan ng Public Employment Service Office (PESO) na matatagpuan sa kaliwang bahagi ng Bagong Gusali ng Pamahalaang Bayan ng Angat:
PSA Birth Certificate
High School Diploma, Form 137, o Transcript of Records (TOR)
Dalawang (2) pirasong Passport-size picture (White background)
Apat na (4) pirasong 1x1 picture
Isang (1) Valid ID
Marriage Certificate (para sa mga may-asawang babaeng aplikante)
Updated Resume










Comments