top of page
bg tab.png

Basura Mo, Responsibilidad Mo: MENRO Angat, Kaagapay sa Kalikasan

ree

Ngayong araw ay muling ipinamalas ng Bayan ng Angat ang diwa ng serbisyo at malasakit sa isinagawang Municipal Joint Serbisyo sa Barangay (MJSB) — isang mas pinagyamang bersyon ng dating “Munisipyo sa Barangay,” na inisyatiba ng butihing Ama ng Bayan, Mayor Reynante “Jowar” S. Bautista.


Sa kauna-unahang pagkakataon, nakibahagi ang Tanggapan ng MENRO Angat sa pangunguna ni MENRO Eveliza J. De Guzman upang maghatid ng kaalaman tungkol sa tamang pamamahala ng basura, pangangalaga sa kalikasan, at ang kahalagahan ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.


Kaugnay ng naturang gawain, isinagawa ang programang “Basura Palit Gamit” kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga kababayan na makipagpalitan ng basura para sa mga gamit pang-eskwela tulad ng pad paper at notebook, at maging bigas para sa pang-araw-araw na pangangailangan. Isang konkretong hakbang ito upang ipakita na ang mga bagay na madalas nating itapon ay maaari pa palang magkaroon ng silbi at pakinabang kung ito ay pahahalagahan.


Higit sa lahat, binigyang-diin ng MENRO ang kahalagahan ng “Segregation at Source” o ang tamang paghihiwalay ng basura sa mismong tahanan. Dito nagsisimula ang tunay na pagbabago—hindi lamang sa pamamagitan ng basurahan at koleksyon, kundi sa pamamagitan ng edukasyon at disiplina. Ang simpleng pagtatabi ng nabubulok at di-nabubulok na basura sa magkaibang lalagyan ay malaking ambag para sa mas malinis na kapaligiran, maayos na pamayanan, at mas ligtas na kinabukasan.


Bagama’t ito pa lamang ang unang pagkakataon na nakibahagi ang MENRO sa MJSB at hindi pa ganoon karami ang nakilahok, ipinakita ng mga taong lumahok ang kanilang bukas na puso at malasakit. Patunay ito na sa bawat maliit na hakbang ay may simula ng pagbabago para sa ikabubuti ng lahat.


Nawa’y sa mga susunod na pagkakataon ay mas marami pang mamamayan ang makilahok, matuto, at maging bahagi ng mga ganitong programa. Ang kalinisan at kaunlaran ng ating bayan ay hindi nasusukat sa dami ng basurang naipon, kundi sa dami ng mamamayang natutong magsegregate at magpahalaga sa kalikasan bago pa man ito itapon.

Comments


Angat_Logo.png

Republika ng Pilipinas

Pamahalaang Bayan ng Angat

Transparency_seal-01.png
FOI-logo.png

Scan the QR Code to install the app

qr code.JPG
PATULOY ANG A&R.png
bottom of page