Angat Rescue Team Kasama ang CSJDM at Norzagaray, Nagkamit ng Runner-Up sa 14th Bulacan Rescue Olympics
- Angat, Bulacan
- 4 days ago
- 2 min read

Muling nagpamalas ng natatanging galing, bilis, at pagkakaisa ang Angat Rescue Team matapos silang magwagi bilang Runner-Up sa ginanap na 14th Bulacan Rescue Olympics 2026 na pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan.
Pinagbuklod ng tagumpay na ito ang tatlong bayan at lungsod sa lalawigan sa pamamagitan ng pagsasanib-puwersa ng Angat MDRRMO, City of San Jose Del Monte (CSJDM) CDRRMO, at Norzagaray MDRRMO.

Buong-pagmamalaking kinatawan ng Bayan ng Angat ang mga sumusunod na responder na nagpamalas ng husay sa pagsagip at pagtugon sa sakuna:
G. Jerico Emmanuel Saligao
G. Bryan Quijano
G. Randy Flores Marcelo
G. Steven Carlo Atienza
G. Marvin Gab
G. Criz Santiago
Sa pambukas na bahagi ng programa, nagpaabot ng mensahe si Bb. Shelby Ruiz, OIC ng Office of Civil Defense (OCD) Central Luzon, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at kolaborasyon ng bawat DRRMO sa buong lalawigan ng Bulacan.
Pinasalamatan naman ni G. Manuel Lukban Jr., pinuno ng PDRRMO Bulacan, ang lahat ng responder sa kanilang paglalaan ng oras at panahon. Aniya, ang paligsahang ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa iisang layunin—ang ligtas na pagtugon sa bawat mamamayan ng lalawigan.
Dumalo rin at nagpakita ng buong suporta si Bise Gobernador Alex Castro, na nagpaalala sa mga responder na palaging mag-iingat sa tuwing tumutugon sa tawag ng serbisyo publiko upang mapanatiling ligtas at panatag ang komunidad.
Lubos ang pasasalamat ng buong Angat MDRRMO sa walang sawang suporta ng Ama ng Bayan at MDRRM Council Chairman, Punong Bayan Reynante "Jowar" S. Bautista, gayundin sa gabay at pamumuno ni G. Carlos R. Rivera Jr., OIC-Municipal Administrator at MGDH I (MDRRMO).
Ang tagumpay na ito ay hindi lamang pagkilala sa husay ng mga responder, kundi isang patunay ng matatag na samahan at kahandaan ng Bayan ng Angat, CSJDM, at Norzagaray na maglingkod nang buong puso para sa kaligtasan ng publiko.





