Angat Public Market, Sumungkit ng 2nd Place sa Huwarang Palengke 2026

Isang panibagong karangalan ang kinamtan ng Bayan ng Angat matapos makuha ng Angat Public Market ang ikalawang puwesto sa ginanap na Huwarang Palengke 2026, na may mataas na passing rate na 95.50%.
Ang nasabing Timpalak ay bahagi ng pagdiriwang ng 2026 Consumer Welfare Month na nagtataglay ng temang “SAFE PRODUCTS, CONFIDENT CONSUMERS.”
Sa 24 na bayan at lungsod na lumahok sa buong lalawigan, walo lamang ang nakatugon sa itinakdang 85% passing rate requirement, kung saan ang Angat Public Market ang nagtala ng ikalawang pinakamataas na marka. Ayon sa lokal na pamahalaan, ang parangal ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng bayan na mapanatili ang kaayusan, kalinisan, kaligtasan, at de-kalidad na serbisyo sa pampublikong pamilihan.

Ginanap ang opisyal na paggawad ng parangal nitong Oktubre 15, 2026, sa Tanghalang Nicanor Abelardo, Bulacan Capitol Compound, Lungsod ng Malolos, kung saan personal na dinaluhan at tinanggap ng mga kawani ng Angat Public Market Office ang pagkilala.
Pormal na binati ng Pamahalaang Bayan ng Angat ang buong samahan ng Angat Public Market Office sa pangunguna ni Engr. Lauro DC. Sarmiento. Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa tapat at sama-samang dedikasyon upang maisulong ang isang ligtas, maayos, at maaasahang pamilihan para sa kapakanan ng bawat mamimili at nagtitindang Angatenyo.









Comments