35 Miyembro ng MDRRMC Angat, Nagtapos sa Tatlong Araw na EOC Training
- Angat, Bulacan

- 5 hours ago
- 1 min read

Pormal na nagwakas ngayong Setyembre 3, 2026, ang tatlong araw na pagsasanay ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) para sa Emergency Operations Center (EOC) Training na sinimulan noong Setyembre 1 sa 2nd Floor Conference Room ng New Angat Municipal Building sa Barangay San Roque.

Tatlumpu’t limang (35) miyembro ng konseho ng DRRM ang matagumpay na nagtapos sa pagsasanay na pinangunahan ni G. Karl Michael Raymond Marasigan bilang Course Monitor, katuwang ang mga tagapagsanay na sina G. Francisco B. Pereña Jr., G. Erhle Joshua Balabbo, at G. Michael Joseph Manuel mula sa iba't ibang ahensya at pribadong sektor. Sa loob ng tatlong araw, binalangkas ang mga konsepto ng EOC, ang mga kinakailangang pasilidad, disenyo, kagamitan sa komunikasyon, at pamamahala ng datos. Nagsagawa rin ng Simulation Exercise upang masubok ang kakayahan ng mga kalahok bilang mga EOC Manager at Coordinator sa panahon ng sakuna.
Binigyang-diin ni Punong Bayan at MDRRMC Chairperson Igg. Reynante "Jowar" S. Bautista na dahil sa mas pinaigting na kapasidad ng mga kawani, mas handa na ang Angat sa pagtugon sa mga susunod na kalamidad. Pinatunayan naman ni Municipal Administrator at MDRRMO Head G. Carlos R. Rivera Jr. na ang tuloy-tuloy na pagpapalakas sa kakayahan ng konseho ay patungo sa isang mas handa, ligtas, at panatag na bayan.








Comments